Thursday, March 13, 2008

Unang Hapdi

Alalaong baga, hamak din lamang na nalubog sa putik at napaso sa kahihiyan ang bayang 'magiliw', di kaya't bumangon pa sa kinasasadlakan at masikatan pa ng haring araw ang tinatanging pinagsilangan?

'Humayo kayo at magparami'.... yan ang pinagpipitagang bilin ng bawat pastor sa bansang nagsisiksikan sa kapital ang mga loyal (ulol) na mananampalataya. Luhod, lakad, pudpod ng kamay sa walang katapusang paghingi ng biyaya na napupunta lamang sa isang lungsod ng mga puti na batikan sa larangan ng pang-lilinlang.

Sugat na kinuskos ng asin at bawang, yan ang paglalarawan ng buhay sa inang bayan. Animo dugong naipit sa ugat at kinailangang mabaluktot ang dati'y maayos na lakad. Namimilipit na parang uod, gutom ang lumalason sa isang kababayan upang mamuhay ng hindi marangal. Kapit sa patalim at pikit-matang tinatalikuran ang batas para maiahon lamang sa gutom ang mga mahal sa buhay. Sugod sa init ng araw, lamig ng ulan at peligro ng lansangan. Malayo ang tingin at hindi alam ang kinabukasan. Batang paslit na nagmamakaawa, madungis ang mukha.

Piring ang mata at may tengang-kawali, pilit na pinapahiwatig ng mga 'namumuno' ang kakapiranggot na pag-asenso nitong bayang liyag ay isa nang malaking pagsulong sa kaunlaran. Datapwat wala pa rin tayong masasabing pansariling kakayahan upang tumayo sa sarili nating mga paa. Nilumpo na ang inang bayan ng mga mapang-abusong pananakop na syang nagpawatak-watak ng ating lahi. Naging marupok ang pundasyon at kultura natin. Hinayaan natin na malapirot at mabilog ang mga utak natin ng mga pananaw na syang pumipigil upang makita talaga natin ang tunay na kakayahan ng mga Filipino.

Gumamit ang mga mananakop ng relihiyon upang baluktutin ang mga sinaunang paniniwala ng ating mga ninuno. Naglaho ang tunay na daloy ng lahi sa bawat nilalang na nilapatan ng pananampalatayang bulag sa tunay na kalagayan ng sambayanan.

No comments: